Message
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
On The First Hundred Days of his Administration
[October 7, 2010, La Consolacion  College, Manila]
Maraming salamat po, maupo po ho tayong  lahat.
Vice President Jejomar Binay, members of  the Cabinet, our host led by Sister Imelda, honored guests, fellow  workers in government, mga minamahal ko pong kababayan, magandang umaga  po sa inyong lahat.
Ang basehan po ng demokrasya ay mayroon  po tayong mga politiko na naglalahad ng kanilang plataporma. Ang nanalo  po ay obligadong ipatupad ang platapormang ipinangako.
Isandaang araw po ang nakalipas,  nagpanata ako sa taumbayan: Hindi ko tatalikuran ang tiwalang kaloob  ninyo sa akin. Ang nakalipas na isandaang araw ang magsisilbing tanda ng  ating pong paninindigan.
Malalim at malawak po ang mga problemang  minana natin. Nag-ugat ito sa isang gobyernong parang tatlong matsing  na nagbingi-bingihan, nagbulag-bulagan, at gumawa ng sariling  katotohanan.
Mali po ito. Ngayon, mayroon na po  kayong gobyernong handang makipag-usap at magsabi ng totoo; handang  makinig sa makabuluhang usapan; handang iangat ang antas ng pampublikong  diskurso ukol sa mga isyung makaaapekto sa ating lahat, at maging sa  mga darating na henerasyon.
Ang natamasa po natin ngayong unang  isandaang araw ng ating panunungkulan: Mayroon na po kayong gobyernong  hindi kayo binabalewala o inaapi.
Bumalik na po ang kumpyansa sa ating  bansa. Tumatatag ang ating ekonomiya, at dahil dito, lumalago ang kaban  ng ating bayan. Ang lahat ng inani at aanihin pa natin mula sa pinatibay  na ekonomiya ng ating bansa, ibinabalik naman natin sa taumbayan upang  tuluyan na tayong makaahon sa kahirapan. Binibigyan natin ng katuturan  ang paggastos. Walang pisong dapat nasasayang.
Halimbawa po ang mga itinalagang opisyal  sa mga GOCC. Naroon po dapat sila para pangalagaan ang interes ng  taumbayan. Noon pong nakaupo sila doon, nilabag nila ang Memorandum  Order 20, na pinirmahan noon pang Hunyo 2001. Inatupag po nila ang  sariling interes na nagdulot ng pinsala sa interes ng taumbayan:  nakakuha sila ng kung anu-anong mga bonus at allowance.
Ipinatutupad naman po natin ang  Executive Order No. 7 na nagsususpinde sa lahat ng pribilehiyong iyon.  Idiniin lamang po natin ang dapat naipatupad pa noong 2001. Sa isang  kumpanya lang po tulad ng MWSS, ang napigil nating mahulog sa bulsa ng  bawat opisyal ay umaabot na sa dalawa’t kalahating milyong piso kada  taon. Siyam po ang miyembro ng Board nila, at sa MWSS lamang po iyan. At  ilan po ang mga GOCCs, GFIs, at mga ahensyang sakop ng EO No. 7?  Isandaan, dalawampu’t dalawa (122) mga ahensya at kumpanya.
Nariyan din po ang nangyayari sa mga  kontrata tulad sa NAIA 3. Isipin lang po natin, tatlong administrasyon  na ang dinaanan nito. Pang-apat na kami. Tumagal na po nang husto ang  kasong ito, may mga pinaslang pa dahil dito. Kundi dahil sa mga tapat na  nagmamahal sa bansa tulad nina Justice Florentino Feliciano at Justice  Meilou Sereno, baka wala na ring pinatunguhan ang kasong ito. Sila po  ang mga tunay na bida sa kaso, ngunit death threats pa po ang ibinayad  sa kanila. Tila ba nagkulang sa aruga ang nakaraang gobyerno. Ngayon  pong alam nilang suportado sila ng mga kapwa nila nasa tuwid na landas,  naresolba na po nila  ang kontrata. Kung natalo po ang gobyerno natin  rito, 990 million dollars ang nalagas sa ating mga pondo. 43.5 bilyong  piso ang perang nailigtas nila at natin. Higit pa rito, mapapakinabangan  na natin ang airport sa lalong madaling panahon.
Kung naaalala po ninyo, pinahinto natin  itong negotiated contracts ng DPWH; pinarebid natin ito. Ginawa lang po  natin kung ano ang tama, napigil na po natin ang paglustay ng 934.1  million pesos, at lumalabas na kung susunod tayo sa tamang proseso ay  nasa 600 million pesos lang ang dapat gastusin sa mga proyektong ito.  Nabalik po ang pera sa kaban ng bayan na kung pinahintulutan natin ang  maling sistema ay natapon na naman sanang muli. Hindi lang po sa mga  kalsada: sa DOTC, pinigil natin ang pagwaldas ng isang bilyong piso. Sa  Department of Agriculture, 30 million at least ang natipid sa isang  proyekto lang na bibili tayo ng spectrometer na gusto sanang doblehin  ang presyo.
Doon po sa Department of National  Defense, ang dinefend po ang pag-purchase ng mga helicopter na tila  overspecified para paburan ang isang kumpanya lang. Sinisiyat ito.  Itinabi na muna natin. Ang gastos na 3.6 billion ay hindi pa po  nangyari.
Lahat po iyan naibalik natin sa kaban ng  bayan.
Mayroon pa po. May proyektong  inaprubahan ang dating administrasyon, huhukayin daw nila ang Laguna de  Bay para palalimin ito. Ang sabi raw dadami ang isda. Mas makakaiwas daw  sa baha. Mas madali daw makakaikot ang mga bangka at mga ferry service.  Tatanggalin din ang pollutants doon sa Laguna de Bay. Ang tanong ko,  saan ililipat ang lupang hinukay? Ang tatanggalin sa Laguna de Bay ay  itatambak lang din pala sa ibang bahagi ng Laguna de Bay. At magkano  naman po ang uutangin ng gobyerno para sa prebilihiyong ito? Konti lang  daw po : 18.5 billion pesos lang naman po. At pareho rin ang kuwento:  Tila hindi na naman dumaan sa tamang proseso ang pag-aapruba sa  kontrata. Hindi natin dadaanin sa madaliang hokus-pokus ang proyektong  ito. Pag-aaralan natin ito nang husto at sisiguraduhing hindi masasayang  ang pondong gagamitin para rito.
Idadagdag ko lang po: ito po ay  ni-review natin last week. Isipin po ninyo: hanggang ngayon, mayroon pa  rin humihirit.
Napansin n’yo po ba, pati ‘yung weather  forecasting gumanda? Napansin n’yo po ba na hindi na paulit-ulit ang mga  mensahe ng PAGASA? Ngayon po, nakatutok na at mas malaman ang mga  weather bulletin natin. Ang dating intermittent rainshowers across the  country, ngayon, sasabihin na uulan sa ganitong lugar nang mga ganitong  oras, delikadong lumabas para sa mangingisda at iba pa.
Tama po na hindi pa kumpleto ang  equipment natin. Pero ngayong nagsimula na po tayong magtrabaho,  kakaunti na lang ang kulang na kagamitan. Maling sistema at maling  palakad ang nanligaw sa pagtataya ng panahon. Ang mga update dati na  dumarating kada anim na oras, kada oras na ngayon kung dumating. Marami  po tayong binago sa PAGASA, at kasama na po rito ang bulok na sistema.
Nakita naman po natin ang katakut-takot  na problemang minana natin, pero hindi po tayo natinag. Naisaayos at  naisasaayos na natin sa loob ng isandaang araw ang hindi nagawa ng  dating administrasyon sa loob ng tatlong libo, apat na raan, apatnapu’t  walong (3,448) araw.
Hininto na po natin ang pagkatagal-tagal  na sistema kung saan itinuloy nang itinuloy ang mga proyekto na walang  sumisiyasat kung angkop ba o kung may katuwiran ba ang mga ito.  Isinulong po natin ang zero-based budgeting. Ang sabi po namin,  isa-isahin natin iyan. Kung hindi po mapatunayang may saysay ka pa,  tigil na ang ginugugol ng bansa sa iyo.
Ang mga Agriculture Input Subsidies na  lalo lamang nagpapayaman sa mayayaman na habang binalewala ang mga  mahihirap; ang mga programa tulad ng Kalayaang Barangay at Kilos-Asenso  na hindi naman inilatag nang malinaw kung ano ang prosesong dinaanan, at  kung saan napunta ang pera—inilipat po natin ang kanilang mga pondo  tungo sa mga programang napatunayan nang makakatulong sa taumbayan.
Humigit-kumulang na 11 bilyong piso pa  po ito na magagamit at mapapakinabangan nating lahat.
Sa edukasyon, kalusugan, at pag-ahon sa  kahirapan po natin itinutok ang pondong natipid natin. Mula 175 billion  pesos, umangat ang budget ng DepEd sa 207.3 billion pesos. Gugugulin po  ito upang makabuo ng 13,147 na bagong classroom, at ng sampung libong  bagong teaching positions. Sa DoH, umangat mula sa 29.3 billion pesos  ang budget papuntang 33.3 billion, upang mapatatag ang unang-una, ang  National Health Insurance Program. Sa DSWD, lagpas doble na po ang  budget, galing 15.4 billion pesos papuntang 34.3 billion pesos.
Ang punto po natin dito: Walang maiiwan.  Hindi po tayo papayag na yayaman ang iilan habang nalulunod sa  kahirapan ang karamihan.
Kaya nga po natin pinatatag ang  Conditional Cash Transfer Program. Salbabida po ito para sa mga  nalulunod nating kababayan upang makapunta na sila sa pampang ng  pagkakataon at pag-unlad. Lampas doble po ang bilang ng mga pamilyang  matutulungan ng conditional cash transfers, mula isang milyong pamilya  sa ngayon, tungo sa kabuuang 2.3 million na pamilya sa 2011.
Patuloy po ang ating tema ng pagbibigay  ng lakas sa taumbayan. Dahil na rin po sa panunumbalik ng tiwala sa  gobyerno, nabiyayaan ang KALAHI-CIDSS program ng dagdag na 59.1 million  dollars—halos tatlong bilyong piso—mula sa World Bank. Sa programa pong  ito, dadami pa ang komunidad na magkakaroon ng kuryente, kalsada, at  malinis na tubig—mga proyektong ang taumbayan mismo ang nagpaplano at  nagpapalakas.
Paulit-ulit po nating ididiin: trabaho  ang pangunahing agenda ng ating administrasyon. At marami pong magandang  balita ukol dito.
Ang papasok na pera sa ating bansa mula  sa mga foreign investors ay aabot sa 2.4 billion dollars, at iyon ay  pang-umpisa pa lamang. Direkta po itong magbibigay ng 43,600 na trabaho  sa mga Pilipino. Simula pa lamang po iyan: Kung hindi natin sila  padadaanin sa butas ng karayom, makukumbinsi pa po silang magnegosyo  rito, at madadagdagan pa ang mga trabahong nalikha.
At manganganak pa po ng manganganak ang  mga trabahong ito. Halimbawa, sa call center, kailangang panggabi ang  trabaho. Kailangang magbukas ng kapihan, ng fastfood, ng mga convenience  store. Hindi bababa sa dalawandaang libong bagong trabaho ang malilikha  pa—kahit hindi ka marunong mag-computer, may pagkakataon ka sa dagdag  na mga trabahong ito.
Trabaho din po ang idudulot ng mga  Public-Private Partnerships na patuloy nating isinusulong. Nagtayo na po  tayo ng PPP Center, kung saan ang mga gustong makilahok sa pagbabago ay  mapapasailalim sa tapat, malinaw, at mabilis na proseso. Mula sa  pagpapahaba ng mga LRT Lines, hanggang sa pagpapatayo ng bagong  paliparan na tutulong sa turismo, hanggang sa mga eskuwelahan na itatayo  sa buong sambayanan, magsisimula na po ang bidding para sa mga ito sa  loob ng mga susunod na buwan.
Kinikilala na ng pandaigdigang merkado  ang pagtatag ng piso. All-time high po ang ating Gross International  Reserves na umabot na sa 52.3 billion dollars noong ika-dalawampu ng  Setyembre. Ang dati-rati ay parang imposibleng maabot ng Philippine  Stock Exchange Index na 4,000, nalampasan na po. Kahapon lamang po,  all-time high na naman ang inabot ng ating Philippine Stock Exchange  Index na umabot sa 4,196.73 points. Ipinapakita nito ang kumpiyansa sa  ating ekonomiya sa ating mamamayan at sa atin pong pamahalaan. Kabilang  na po ang ating PSE sa mga best-performing stock market sa buong Asya.  At habang lumalakas ang piso at lumalago ang ekonomiya, steady lang  naman po ang mga presyo ng ating mga bilihin. Handang-handa na po tayo  talaga sa pag-unlad.
Lahat po ito nagawa natin dahil  nakasandal ang gobyerno sa inyong tiwala. At umaapaw na rin po ang  tiwalang iyan sa buong daigdig.
Dalawang ulit na pong nag-apply ang  Pilipinas para sa Millenium Challenge Corporation Grant. Sa unang  tatlong buwan lang po ng administrasyon natin napaaprubahan ito. Ang sa  kanila lamang po, aminado silang hindi natin maiwawasto agad ang lahat  ng problema, pero naniniwala silang patungo na tayo roon. Sabi nila,  gusto namin kayong matulungan para maabot ang inyong mga pinapangarap,  heto ang 430 million dollars.
Ididiin ko lang po: dalawang beses  nag-apply, ni-reject sa loob nang hindi bababa sa siyam na taon, tayo po  sa tatlong buwan, inaprubahan.
Pati po ang mga international  organization tulad ng OECD, tinanggal na tayo sa listahan ng mga bansang  kumukupkop ng mga tax evader. Maaari na tayong makakuha ng impormasyon  na makakatulong sa paghuhuli sa mga tax evader na isinasagawa ng BIR.
Dahil na rin po sa panibagong tiwalang  nangingibabaw sa pamahalaan, dumadami ang mga tumutulong sa pamamagitan  ng pagbibigay ng mga tip tungkol sa katiwalian. Sumasaksi sila sa maling  pangyayari, para makatulong sa ating paghahabol ng demanda. Halimbawa,  sa bagong-tayo na Pera ng Bayan website, isa-isa nang lumilitaw ang mga  taong makatutulong sa atin upang tugisin ang mga smuggler at tax evader.
Ibinabalik ng mga hakbang na ito ang  kumpiyansa ng daigdig sa Pilipinas. Nagkakaisa nang muli ang ating  lipunan, at ang nanatili na lang na parang sirang-plaka na paulit-ulit  ang reklamo ay ang mga gustong manumbalik sa poder upang ituloy ang  kanilang ligaya na nagmumula sa ating pagkakaapi.
Sila na nga ang nagdulot sa atin ng mga  problemang pinapasan natin ngayon, sila pa ang may ganang bumanat nang  bumanat sa atin. Papansinin ba ninyo sila? Magpapalinlang ba kayong  muli?
Hindi po kami nagbibiro sa pagtahak sa  tuwid na landas. Kayong mga mali ang palakad at pinipinsala ang mga  kababayan natin, ginagarantiya ko sa inyo: may taning kayong lahat.
Ito pong mga problemang pinangako nating  solusyonan, tatlong buwan pa lang nakikita na ninyong nabubuo ang  solusyon. At ang inyong tiwala po ang pundasyon ng lahat ng ating naabot  sa loob lamang nitong tatlong buwan ng ating panunungkulan.
Mula pa noong kampanya, ibinato na po sa  atin ang lahat ng puwedeng ibato sa loob at labas ng Revised Penal  Code. Pati po ang buhok ko ginawa nilang isyu. Palagay ko ho dahil  siguro binata pa tayo, hindi na tayo binigyan ng honeymoon. Payag po si  Sister Imelda diyan. Gusto talaga tayong gibain ng mga taong nais  mapanatili ang lumang sistema, kung saan para silang mga dambuhalang  buwayang nagpapakasasa sa kaban ng bayan.
Binabatikos lang naman po tayo dahil may  iilan na naghahanap ng paraan para magpatuloy ang siklo ng mali. Alam  din naman po nila ang tama, hindi pa nila maatim gawin. Mayroon po  talagang mga nag-aambisyon na makabalik sa poder, nag-aambisyon na  panatilihin ang sistemang sila lang ang nakikinabang, mga kapit-tuko sa  puwesto na nakikinabang sa lumang sistema—mga taong gusto lamang ituloy  ang kanilang ligaya, habang binabalewala naman ang sakripisyo ng  taumbayan.
At tayo naman po: tuloy na tuloy ang  laban. Hindi po tayo titigil.
Kung mayroon po tayong pagkukulang, ito  marahil ay ang hindi nating naging kaugalian na ipamalita ang mga  tagumpay na atin pong nakamit. Mas binigyan nating halaga ang paghahanap  ng mga paraan na makatutulong sa ating mga kababayan. Kitang-kita naman  po ng taumbayan ang resulta ng ating pagtatrabaho. Talagang nakagagalak  ng puso itong satisfaction rating na seventy one percent. Natural po,  sa inyo ang tagumpay na ito—sa bawat Pilipinong nagtitiwala at  nakikilahok sa ating agenda ng pagbabago.
Ang patuloy ko pong panata: Hindi tayo  titigil. Habang dumarami tayo sa tuwid na landas, dumadali naman po ang  tungkulin nating itama ang mali.
Hinding-hindi po tayo titigil sa tuwid  na landas. Unti-unti na pong natutupad ang ating mga pangarap.
Maraming salamat po. Magandang umaga sa  lahat.
source : gov.ph